Inihayag ni Senador Sonny Angara na mananatili pa ring epektibo ang marami sa probisyon na nakapaloob sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 kahit nag-expire na ito.
Ayon kay Angara, na siyang Chairman ng Senate Committee on Finance at Sponsor ng Bayanihan 2, iiral pa rin ang utos ng batas na bigyan ang health workers ng pribado at pampublikong ospital ng special risk allowance at hazard pay para sa medical frontliners.
Magpapatuloy din ang pagbibigay sa kanila ng life insurance, libreng accomodation, transportasyon at pagkain.
Binigyang diin pa ng senador na magpapatuloy din ang waiver sa lahat ng permit, lisensya, clearance, at registration requirements para sa flagship infrastructure projects ng gobyerno hanggang September 2021.
Sa mga private project naman na mahalaga at magbibigay ng trabaho, mananatili ang waiver hanggang June 22 sa pagkuha ng permit at lisensya maliban sa may kaugnayan sa buwis, border control at batas pangkalikasan
Epektibo pa rin ang utos ng Bayanihan 2 na walang phase out ng jeepney o anumang public utility vehicle hangga’t nasa transition ang bansa patungo sa new normal.
Pati na ang pagbabawal sa mga pribadong paaralan, kolehiyo at unibersidad na magtanggal ng mga manggagawa sa loob ng siyam na buwan kapag tumanggap ng grant o tulong pinansyal ng gobyerno para sa kanilang mga estudyante.
Bukod dito iiral pa din ang COVID-19 national referral system ng Department of Health at Philippine Red Cross para sa mabilis na pagtulong sa COVID-19 patients na maghanap ng ospital, klinika, isolation facilities, blood banks at ambulansya. —-sa panulat ni Hyacinth Ludivico mula sa ulat ni Patrol 19 Cely Ortega-Bueno