Bina-balewala umano ng ilang botante ang voter verification paper audit trail o kanilang resibo.
Ito ay isa lamang sa nakitang problema ng National Citizens Movement for Free Elections (NAMFREL) sa isinagawang mock elections noong Sabado.
Sinabi ni NAMFREL Secretary General Eric Jude Alvia na hindi binabasa ng mga botante ang resibo para malaman kung tama ang kanilang binoto sa binilang ng makina.
Kailangan pa rin aniyang bigyang pansin ang paper audit trail bagamat hindi naman lahat ng mga presintong pagdarausan ng eleksyon ay mayroon nito.
Samantala, binigyang diin ni Alvia na mahalagang naisagawa ang mock election dahil nabigyan ng pagkakataon ang mga botante, guro at volunteer na maging handa sa 2019 midterm elections.
Mas mahabang oras ng pagboto
Dagdag na limang minuto ang posibleng itagal ng buong proseso ng pagboto.
Ipinabatid ito ni Commission on Elections o COMELEC Spokesman James Jimenez ay dahil sa implementasyon ng voter registration verification system (VRVS) sa May 13 midterm elections.
Tiniyak naman ni Jimenez ang kahandaan nila sa bahagyang delays dahil sa pagpapatupad ng VRVS na asahan lamang sa pilot testing sa mga piling polling precinct.
Nasa 35,000 VRVS units ang binili ng COMELEC para isalang sa pilot testing sa lahat ng polling precincts sa ARMM, Maynila at Quezon City sa Mayo.
—-