Naka-admit sa Armed Forces of the Philippines Medical Center o mas kilala bilang V. Luna Medical Center sa Quezon City ang ilang mga persons under investigation (PUI) dahil sa 2019 novel coronavirus (nCoV).
Kinumpirma ito ni AFP Public Affairs Office Health Service Command spokesperson Captain Sherwin Joseph Sarmiento bagama’t tumanggi na siyang isiwalat kung ilan ang mga ito.
Ayon kay Sarmiento, kasalukuyang naka-isolate sa infectious ward ng V. Luna ang mga PUI’s para ma-obserbahan.
Binigyang diin naman ni Sarmiento na nakahiwalay sa main building ng ospital ang gusali ng infectious ward.
Dagdag ni Sarmiento, binilinan na rin sila ng AFP Public Affairs Office na huwag nang maglabas pa ng impormasyon sa bilang at classification kung militar o sibilyan ang naka-admit na PUI’s.