Ilang pulis na naman ang nasampolan ng surprise inspection team ng National Capital Region Office o NCRPO.
Agad na sinibak ni NCRPO Director Oscar Albayalde ang apat na pulis mula sa Police Community Precinct o PCP-1 ng Station 9 ng Quezon City Police District matapos maaktuhang natutulog.
Ayon kay Albayalde nakapatay pa ang ilaw ng nasabing presinto at dito niya nakitang natutulog ang duty officer na hindi pa pinangalanan.
Wala naman umano sa kanilang puwesto ang tatlo pa nitong kasamang duty officer.
Una na ring naaktuhan ni Albayalde na natutulog ang hepe ng Barugo Police Station ng Caloocan City kung saan wala rin ilaw at nakakandado pa ang nasabing presinto dahil sa kasamang natutulog din ang mga tauhan nitong naka-duty.
Magugunitang kamakalawa lamang ay sinibak ni Albayalde ang labing walong (18) pulis kabilang ang dalawang station commander matapos na maabutang natutulog at nag-iinuman sa kanilang istasyon.
—-