Kinumpirma ng isang dating hepe ng Philippine National Police’s Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na patuloy pa rin ang nagaganap na ‘drug recycling’ scheme kung saan sangkot ang mga law enforcement agents.
Ayon kay Benjamin Magalong na ngayon ay mayor na ng Baguio City, nagbebenta umano ang mga pulis ng mga iligal na droga, karamihan ay shabu, na kanilang nasamsam mula sa kanilang lehitimong ikinakasang drug operation o kanyang tinawag bilang ‘agaw bato’.
Dating head ng Criminal Investigation and Detection Group at kasalukuyang mayor ng Baguio City na si Benjamin Magalong, tumestigo kaugnay sa paglalako ng mga pulis ng illegal na droga na nasamsam sa isang police ops pic.twitter.com/CIOzMPuVlR
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) September 19, 2019
Kaniya aniyang pinamunuan ang isinagawang imbestigasyon kaugnay sa naturang scheme noong siya pa ay nakaluklok bilang hepe ng CIDG.
Dagdag pa ni Magalong, ilang mga ranking police officials na aktibo pa sa serbisyo ay kabilang sa nabanggit na illegal scheme.
Nangyayari din aniya sa modus na ito ang pag-aresto sa mga Chinese drug traffickers at pagpapalaya sa kanila kapalit ang malaking halaga ng pera.