Nabahala ang mga residenteng nakatira sa bukiring Barangay ng Don Gregorio Antigua sa Bayan ng Borbon, Cebu matapos magkulay gatas ang ilog sa kanilang lugar.
Ayon sa Barangay Kapitan na si Gitoy Ornopia, agad silang nagsagawa ng imbestigasyon hinggil sa reklamo ng mga residente dahil ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na nakaranas sila ng ganitong uri ng insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ng Barangay, napag-alaman na isang residente ang naghugas ng isang malaking water-based flexi bag dahilan kaya pumuti ang tubig sa Goyong River.
Nabatid na ang Flexi Bag ay ginamit umano sa pagbiyahe ng mga likido, at nakuha ito ng naturang residente mula sa pinagtatrabahuhang trucking services sa Mandaue City.
Sa ngayon, ipapadala ang water sample sa lokal na pamahalaan at sa kinauukulang ahensya ng gobyerno upang masiguro na walang nakahalong kemikal sa tubig mula sa ilog.
Sa ngayon, nagpaalala ang barangay sa mga residente na huwag munang gumamit ng tubig mula sa ilog at kung maaari ay ilayo muna pansamantala sa ilog ang mga alagang hayop habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa Goyong River.