Naglunsad ng kilos-protesta ang ilang residente ng Baras, Rizal laban sa umano’y pang-aagaw ng lupa ng Masungi Georeserve Foundation.
Hinarangan ng mga demonstrador ang kalsada sa barangay pinugay subalit agad silang sinita ng mga Pulis.
Inihayag naman ng Baras Municipal Police na walang permit ang mga residente upang magkilos-protesta.
Iginiit ng mga demonstrador na tatlong taon na anilang hindi napakikinabangan ang kanilang lupang sinasaka mula nang bakuran ng Masungi.
Batay sa iprinesenta nilang survey plan, bahagi ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape ang hinahabol nilang Lot 2.
Taong 2017 nagkaroon ng kasunduan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Masungi Georeserve Foundation upang mapangalagaan ang naturang protected area.
Gayunman, base sa website ng DENR ay may nakabinbing ancestral domain claim ang mga katutubong dumagat-remontado sa nasabing lugar, na bahagi ng lupang dating sinasaka at tinitirahan ng mga nagprotesta.