Idinadaing ng maraming residente ng Marawi City ang kawalan na ng natatanggap na tulong mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ayon kay Ginang Noraida Dibansa, Enero pa nang huli silang nakatanggap ng relief mula sa DSWD magmula nang makabalik sila sa kanilang tahanan sa barangay Bacolod Chico.
Laman aniya ng naturang relief ay tatlong kilo ng bigas, kape, sardinas at corned beef na hindi man lang aniya sasapat para sa isang linggong pangangailangan ng kanilang pamilya.
Magmula noong Enero ay hindi na aniya nasundan ang tulong na mula sa DSWD at masuwerte na lamang at nabibigyan sila ng ayuda ng ilan nilang kamag-anak kaya’t kahit papano ay nairaraos nila ang kanilang pang-araw araw.
“Napakahirap talaga kasi parang wala, hindi ko alam kung saan ako pupunta, I’ve been looking for a job pero wala, magpasalamat tayo kung may mailuluto tayo mamaya, kung walang tulong talaga ng relatives wala talaga, we have to sacrifice everything.” Pahayag ni Ginang Dibansa
Ganito rin ang reklamo ng taga-Marawi na si Mhel Pompong.
Kuwento ni Mang Mhel, nabigyan sila ng relief ng DSWD isang beses noong Enero ngunit nasundan na aniya ito nitong Abril.
Kulang na kulang ayon kay mang Mhel ang ayudang ito ng DSWD lalo’t wala na silang ari-arian at hanapbuhay na pagkukunan nila ng kanilang pagkain sa araw araw.
Kabilang kasi ang bahay ni Mang Mhel sa mga nawasak sa bahay na nakatayo sa ground zero ng Marawi.
“100 percent parang hindi na namin nararamdaman ang tulong sa amin ng ating gobyerno, kasi ang pinakahuling nakuha naming food pack ay noong April 5, ang ibinibigay nilang food pack na ‘yun ay hindi pa aabot ‘yun ng 1 week, mga siguro 3 days lang ‘yun, ‘yun ang masaklap sa mga umaasa lang sa bigay ng gobyerno, kung ‘yun lang ang aasahan mo ay talagang mamamatay ka sa gutom.” Ani Mang Mhel
—-