Nagsimula nang mamalimos ang ilang residente sa Oroquieta City matapos ang pagbaha bunsod ng malakas na pag-ulan sa Misamis Occidental, maging sa iba pang bahagi ng Northern Mindanao at Visayas.
Pagkain at maiinom na tubig ang pangunahing pangangailangan ng mga residenteng nasalanta ng flashfloods sa nasabing lugar.
Kabilang sa mga pinaka-apektado ang Barangay Talic kung saan ilang bahay, puno at sasakyan ang nawasak o napinsala ng pagbaha habang na-wash-out ang hanging bridge na nagdurugtong sa Poblacion Dos at Barangay Taboc Norte.
Aminado si Mayor Lemuel Meyrick Acosta na nakababahala ang sitwasyon kaya’t nagpapasaklolo na siya sa national government.
Bukod sa pagkain at tubig, kailangan din anya ng kanilang mga kababayan ang generator sets para sa mga ospital at maibalik sa normal ang linya ng komunikasyon sa lungsod.
Sa pagtaya ng Office of the Civil Defense – Region 10, siyam na ang patay habang tatlo ang nawawala sa naturang lugar.