Inihayag ng Palasyo na luluwagan na nito ang ilang umiiral na paghihigpit o restrictions sa gitna ng pag-iingat kontra COVID-19.
Sa isang virtual briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, na alinsunod sa Inter-Agency Task Force (IATF), tinaasan na nito sa 50% ang pupwedeng dumalo sa religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) simula sa ika-15 ng Pebrero.
Simula Lunes, ika-15 ng Pebrero. Pinapayagan na sa mga lugar na nasa GCQ ang religious service na hanggang 50% na seating o venue capacity,” ani Roque.
Mababatid kasi na sa ngayon, tanging 30% lang ng venue capacity ang pinapayagang makadalo sa mga religious gatherings.
Bukod dito, pinayagan na rin ng IATF ang muling pagbubukas sa 50% venue capacity ang mga tradisyonal na sinehan, mga park at iba’t-iba pang mga pasayalan sa mga nasa GCQ areas gaya ng Metro Manila.
Inaprubahan ang muling pagbubukas o pagpapalawak ng mga sumusunod na negosyo o industriya:
-Driving school; mga sinehan; video at game arcades; libraries, archives, museums at cultural centers; meetings, incentives, conferences, and exhibitions at limitadong social events at accredited establishments ng Department of Tourism. Tourist attractions tulad ng mga parks theme parks, natural sites and historical landmarks,” ani Roque.
Paliwanag ni Roque, ang naturang pagluluwag sa umiiral na paghihigpit ay dahil sa walang naitatalang pagsipa ng COVID-19 attack rate, gayundin ang pagsisikap ng pamahalaan na muling bumangon ang ekonomiya ng bansa.
Sa huli, binigyang diin ni Secretary Roque na bagamat pinayagan na ang pagbubukas ng ilang establisyimento at itinaas na rin ang venue capacity nito, dapat pa rin aniyang sumunod sa health protocols kontra COVID-19.