Naitala ang ilang rockfall events sa itaas na bahagi ng bulkang Mayon dahil sa nararanasang pag-ulan sa Albay.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS Resident Volcanologist Ed Laguerta, lumambot ang lumang volcanic deposits sa bahagi ng summit na may kasamang mga bato at bahagi ng lava dahilan nang pagdausdos pababa.
Na-obserbahan din aniya nila ang pag-slide ng gilid ng ilang river channels na posibleng magdulot ng siltation at pagbaha sa pagdating ng mas malakakas na pag-ulan at bagyo.
Samantala, nabatid na kabuuang 21 million cubic meters ang naimbak na loose materials sa bulkan dahil sa pag-aalburuto ngayong taon mula sa bayan ng Camalig hanggang lungsod ng Legazpi gayundin sa kanlurang bahagi na maaaring ibaba kung may malakas na mga pag-ulan.
Pinawi naman ni Laguerta ang pangamba ng publiko sa pagsasabing hindi pa sapat ang volume ng ulan na ibinagsak upang maibaba rin bilang lahar ang naipong volcanic materials.
—-