Nagsisimula nang magkaroon ng sore eyes at pigsa ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa mga piitan.
Ito ang iniulat ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa gitna ng tumitinding init na nararanasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay BJMP Jail Director, Raul Rivera, halos 100 kaso na ng sore eyes ang naitala sa mga bilangguan sa National Capital Region (NCR) habang hindi naman bababa sa isang kaso ang naitatala sa iba pang rehiyon.
Gayunman, inaagaapan na aniya ng pamunuan ang mga kaso upang mapigilan ang pagkalat at paglala ng sakit.
Kasunod nito, inihayag ni Director Rivera na upang maibsan ang init sa mga kulungan, naglagay na ang bjmp ng karagdagang electric fan at pinalitan na rin ang mga ventilation shaft.
Bukod dito, tiniyak din ng BJMP official na nakikipag-ugnayan na ang pamunuan sa Bureau of Fire Protection gayundin sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak na sapat ang tubig sa mga kulungan. – sa panunulat ni Maianne Dae Palma