Nananatiling hindi kumbinsido ang ilang senador na kailangang i-extend ang pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taong ito.
Kasunod na rin ito nang isinagawang closed door briefing nina National Security Adviser Hermogenes Esperon, Martial Law Administrator at Defense Secretary Delfin Lorenzana at Martial Law Implementor at AFP Chief of Staff General Eduardo Año, dalawang araw bago ang itinakdang special session sa usapin.
Sinabi ni Senador JV Ejercito na kumbinsido siyang kailangang palawigin ang Martial Law subalit hindi pa siya nakakapagpasya kung makatuwiran ba ang limang buwang extension na hiling ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Posible aniyang ilang araw lamang o dalawampu (20) hanggang tatlumpung (30) araw ay sapat nang palawigin ang Batas Militar.
Ganito rin ang pananaw ni Senador Joel Villanueva na nagsabing pag-aaralan niya ang epekto ng pinahabang Martial Law sa tourism sector at sa ekonomiya.
Animnapung (60) araw na extension naman ng Martial Law ang sinusuportahan ni Senador Richard Gordon.
Kapwa naman marami pang tanong sina Senador Risa Hontiveros at Grace Poe na dapat masagot bago masabing suportado ang pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao.
By Judith Larino
Ilang senador di kumbinsido sa 5-month Martial Law extension was last modified: July 20th, 2017 by DWIZ 882