Nagbigay ng iba’t-ibang reaksiyon ang ilang senador kaugnay sa P40 na dagdag-sahod na inaprubahan ng NCR-Regional Tripartite wages and productivity board, para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Welcome development para kina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Jinggoy Estrada ang dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa.
Ayon kay Sen. Estrada, malaking tulong ang pagbibigay prayoridad sa mga manggagawa bunsod ng nagtaasang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Iginiit ng mambabatas na karapatan ng mga manggagawa na magkaroon ng mataas na sweldo, upang kanilang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Para naman kay Senator Grace Poe, kulang na kulang ang wage hike para sa dignidad at maayos na pamumuhay ng bawat manggagawang Pilipino kung saan, patuloy na napag-iiwanan ng pagtaas ng mga bilihin at petrolyo ang sweldo ng mga empleyado.
Umaasa si Poe, na may kakayahan at kayang magkusa ang mga kumpanya na magbigay ng dagdag allowance at non-monetary benefits sa kanilang mga manggagawa.
Samantala, itinutulak naman ni Senator Joel Villanueva, ang Senate Bill 2140 na mag-aamyenda sa Wage-Fixing Criteria ng Labor Code of the Philippines at maghahanay sa aktuwal na pamumuhay ng mga Pilipino.
Ayon kay Sen. Villanueva, hindi sapat ang dagdag na P40 sa sahod para sa empleyadong may 5 miyembro sa kanilang pamilya dahil hindi pantay ang kinikita ng bawat manggagawa para makapamuhay ng disente.
Dahil dito, binigyang-diin ng mga senador na patuloy nilang tatalakayin sa senado ang mga panukalang batas para sa across-the-board na pagtaas sa buwanang sahod ng mga manggagawa.