Hindi pa rin pinipirmahan ng ilang senador ang draft report ng Senate Blue Ribbon Committee sa inimbestigahang kontrobersya sa transaksyon ng PS-DBM at Pharmally Pharmaceutical Corporations.
Bagaman sang-ayon si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto sa karamihan ng findings, hindi lahat ng nakapaloob sa partial report ay kanyang sinusuportahan.
Hindi pa tinukoy ni Recto kung alin sa mga naging findings at rekomendasyon ng kumite ang kanyang hindi sinang-ayunan dahil binabasa pa niya ang buong report.
Inihayag naman ni Senator Grace Poe na hindi pa siya pumipirma sa report dahil hindi pa niya ito nababasa.
Ipinaliwanag ni Poe na inasikaso muna niya ang maraming panukalang batas na kanyang inisponsoran kung saan marami sa mga ito ay inaprubahan at niratipikahan na ang bicam report.
Samantala, bukod kay Senator Panfilo Lacson ay lumagda na rin sa report si Senator Risa Hontiveros. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)