Umalma ang ilang mga senador sa balitang nagpabakuna na kontra COVID- 19 ang mga miyembro ng gabinete, Presidential Security Group at ilang sundalo.
Ayon kay Senadora Imee Marcos, dapat walang gulangan pagdating sa bakuna kontra COVID-19.
Dapat aniyang sinunod ang principle sa bakuna na mauunang mabigyan ang mga higher risk at hindi ang mga may koneksyon lamang.
Nanawagan naman ng pagdinig si Senador Francis Pangilinan sa senate committee of the whole para maipaliwanag ng pamahalaan ang plano nito sa pamamahagi ng bakuna.
Ito ay matapos aniyang lumabas ang tila palakasan sa mga nakaupo bilang batayan sa vaccination program ng pamahalaan.
Ani Pangilinan, malinaw na ipinakikita sa pagkakanya-kanya at pag-uunahan ng mga nasa administrasyon na mabakunahan kontra COVID-19 ang hindi malinaw na plano ng pamahalaan sa pagpapatupad ng vaccination program.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)