Kinontra ng ilang senador ang panukalang hingian ng vaccine pass ang mga papasok sa isang establisyimento.
Ayon kay Sen. Koko Pimentel, hindi maaring obligahin ng gobyerno ang publiko na magpabakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) kahit ito pa ay kailangan para sa kaligtasan ng lahat.
Giit ni Pimentel, hindi uubrang sapilitan ang pagbabakakuna dahil nasa trial stage pa lang lahat ng vaccine.
Hindi rin aniya maaring pilitin ang mga tao na wala namang karamdaman o walang COVID-19 na magpasok sa kanilang katawan ng kemikal.
May mga tao din anya na talagang hindi maaaring magpabakuna dahil sa lagay ng kalusugan o kaya ay dahil sa relihiyon.
Binigyang diin naman ni Senadora Imee Marcos na hindi maaring gawing pwersahan ang pagpapabakuna bukod sa limitado pa ang suplay ng vaccine.
Hindi rin aniya napapanahon na isulong ang pag-iisyu ng vaccine pass ngayong nasa 3-milyon pa lang ang nababakunahan sa bansa.
Makabubuti anyang hintaying mabakunahan ang 70-milyon ng populasyon bago ulit pag-isipan ang vaccine pass.
Una rito , iminungkahi ni Go-Negosyo founder at Presidential Adviser on Entpreneurship Joey Concepcion na hanapan ng vaccine pass kapag papasok sa indoor establishments gaya ng restaurants at mall sakaling may herd immunity na. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)