Hinamon ni Senator Francis ‘Chiz’ Escudero ang Philippine Drug Enforcement Agency na isapubliko ang pinakabagong narco-list ng mga pulitikong sangkot sa iligal na droga.
Ito ay matapos na tukuyin ng PDEA na mayroong 93 mga elected official ang kabilang sa listahan kabilang ang mayor, congresman, vice mayor at vice governor.
Ayon kay Escudero, kung talagang na-validate na ang listahan ay dapat na magsagawa na ang PDEA ng entrapment para makasuhan ang mga ito.
Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto, dapat na agarang imbestigahan at makasuhan ang mga nasa narco-list, sa ganitong paraan ay awtomatikong maisasapubliko ang pangalan ang public officials.
Humirit naman si Senador Koko Pimentel sa PDEA na bigyan ng kopya narco-list ang Senado.
Ayon kay Pimentel, dapat na bigyan ng kopya ang Senado upang kanilang mabusisi ito at makapag-background check.
Bilang PDP-Laban President, sinabi ni Pimentel na interesado sa narco-list upang masigurong walang magiging kandidato ang kanilang partido na kabilang naturang listahan.
(Ulat ni Cely Bueno)