Hindi dapat ipagsawalang-bahala ng gobyerno ang pagdedeploy ng China ng mga missile sa Spratly islands.
Ito ang reaksyon ni Senador JV Ejercito, isa sa mga miyembro ng Senate Committee on National Defense and Security sa pahayag ni Presidential spokesman Harry Roque na hindi naman banta sa Pilipinas ang mga nasabing missile.
Ayon kay Ejercito, hindi man itutok sa Pilipinas ang mga nasabing armas, may direkta pa rin itong epekto sa seguridad sa paligid ng pinag-aagawang karagatan lalo sa Palawan.
Mag-file na tayo ng diplomatic protest, sobrang pambabastos na ito sa ating soberanya. Sabi nga eh, one of our constitutional duties is to protect our territorial integrity. Pahayag ni Ejercito
Samantala, duda naman ang senador kung may magagawa ang Estados Unidos sa nagpapatuloy anyang militarisasyon ng Tsina sa mga pinag-aagawang isla.
Kaya lang may mga instances na noong nagkaroon tayo ng problema eh parang hindi naman tayo sinuportahan. Ang sa akin lang, as a sovereign nation, regardless sa ating alliance. Supposed to be ang China ay kaibigan ng administrasyong Duterte, eh sana man lang ay respetuhin nila ‘yung ating territorial integrity. Paliwang ni Ejercito.
Sen. Honasan, inirekomenda na dapat munang beripikahin ang impormasyon ng pagdedeploy ng missile sa PH reefs
Duda si Senate Committee on National Defense and Security Chairman Gringo Honasan sa ulat na nagdeploy ang China ng mga missile sa Fiery Cross, Subi at Mischief reefs sa Spratly islands na inaangkin din ng Pilipinas.
Ayon kay Honasan, dapat beripikahin ang naturang impormasyon upang maiwasan ang posibleng ‘miscommunication’ sa pagitan ng Pilipinas at China.
I’m assuming na itong impormasyon na ito ay totoo. Huwag tayong padalos-dalos, may mga photograph daw.. Alam mo sa ngayon, sa panahon ng computer technology, maniguro lang tayo na nasa tama tayo at totoo ang impromasyon na dumarating sa atin. Pahayag ni Sen. Honasan
Samantala, ipinunto ng senador na dehado ang Pilipinas sa pakikipag-bilateral talk sa China sa issue ng maritime dispute.
Ito, aniya, ang dahilan kaya’t dapat ng himukin ang iba pang claimant na Vietnam, Brunei, Malaysia at Taiwan na makipag-usap sa Tsina.
Tanungin na natin ‘yung UN, ASEAN ‘yung mga karatig bansa na hindi lang kami ang apektado nito. So habang maaga, magkaisa na tayo at diplomasya, kausapin natin nang masinsinan ang China. Diba ang gusto ng China ay bilateral, one on one ay wala tayong kalaban-laban diyan pero kung multilateral meron tayong dagdag na pwersa. Paliwanag ni Sen. Honasan