Suportado ng mga senador ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong kalihim ng Department of Foreign Affairs o DFA.
Ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, naniniwala siya sa kakayanan ni Cayetano para pamunuan ang DFA at tiyak aniyang malaki ang maitutulong nito sa Pangulo at sa sambayanang Pilipino.
Iginiit naman ni Senate Majority Floorleader Vicente “Tito” Sotto III na good choice ang pagtatalaga kay Cayetano sa DFA
Samantala, hindi na ikinagulat ni Senador Francis Escudero ang pagkakatalaga kay Cayetano bilang DFA Secretary dahil matagal na itong binabanggit ng Pangulo.
Senador Lacson planong ipakumpirma si DFA Sec. Cayetano by acclamation
Plano ni Senate Committee on Foreign Affairs Chairman Panfilo Lacson na hingin ang permiso ng mayorya ng miyembro ng Commission on Appointments o CA para ikumpirma si bagong DFA Secretary Alan Peter Cayetano by acclamation.
Ibig sabihin, maaaring isuspinde na ang ipinaiiral na rules ng CA at huwag nang obligahing magpasa si Cayetano ng mga kaukulang requirements.
Paliwanag ni Lacson, ito’y bilang courtesy kay Cayetano bilang kapwa mambabatas at bilang miyembro na rin ng CA.
Nais aniya niyang agarang makumpirma si Cayetano para agad itong opisyal na makaupo bilang kalihim ng DFA, dahil nomination at hindi appointment ang ginawa sa pagtatalaga sa kanya sa pwesto.
Lumilitaw na maaari lamang maupo si Cayetano sa DFA kapag nakumpirma na.
By Meann Tanbio |With Report from Cely Bueno