Tutol ang mayorya ng mga senador sa panukalang inihain ni Negros Oriental Arnolfo Teves Junior na palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport patungong Ferdinand E. Marcos International Airport.
Unang kumuwestiyon dito si Senator Sherwin Gatchalian na muling tumakbong senador sa ilalim ng Uniteam.
Ayon kay Gatchalian, dapat iwasan ng gobyerno ang mga panukalang magdudulot ng gulo lalo’t nasa ilalim ng krisis ang bansa.
Sinegundahan naman ito ni dating Senate Minority Leader Franklin Drilon at sinabing ang pagbangon ng bansa sa mataas na inflation, gutom at iba pang problema ang dapat na pagtuunan ng pansin at hindi ang pangalan ng paliparan.
Kontrobersiyal naman para kay dating Senate President Vicente Sotto, III ang panukala dahil bubuhayin lamang nito ang mga nalibing nang isyu.
Samantala, isa pang kaalyado ni Pangulong Bongbong Marcos na si Presumptive Senate President Juan Miguel Zubiri ang kumuwestiyon sa panukala.
Mas mabuti pa aniyang ibalik na lang ang naia sa orihinal nitong pangalan na Manila International Airport, kaysa guluhin pa ang nakagawiang bansag sa paliparan. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)