Aminado ang mga senador na maraming negosyante ang aalma kung isusulong ang rationalization sa tax incentives na ibinibigay ng gobyerno sa mga ito.
Iyan ang pananaw nila Senate President Vicente “Tito” Sotto at Senate Ways and Means Committee Chairman Sonny Angara kaugnay sa panukalang package 2 ng TRAIN o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.
Ayon kay Sotto na siyang may-akda ng panukala, mali ang pangamba ng marami hinggil sa rationalization na ipatutupad sakaling maisabatas na ito.
“Pag sinabi kasing rationalization, ako, as the filer of the TRAIN 2 version ng senate at the moment, naniniwala ako na ang rationalization ay straight doon sa salitang ‘’ira-rationalize natin’’…yung mga incentives, at yung mga dapat maiwan na tax incentives at hindi ang ibig sabihin nun ay yung kinakatakot ng iba na removal ng tax incentives.”
Sa panig naman ni Angara, kailangan ang masusing pag-aaral sa nasabing panukala dahil nakatulong din naman kahit papaano ang pagbibigay ng tax incentives para makalikha ng maraming trabaho.
“Yan ang pag-aaralan natin dahil marami naman ang sang ayon at sinasabing ‘’sige, I phase out na natin pero wag naman masyadong biglaan’’ dahil pinangako yan at dahil sa pangako, naglabas ng investment itong mga ibang kompanya which created jobs. Kung bibiglain mo naman, sabihin mo ‘’oh, 5 years ago sinabi mo, I will enjoy these incentives for this period tapos ngayon binabago mo yung usapan natin’’, yun ang mag iingat ho tayo siguro, kung ano yung magiging kondisyon ng reform natin ng incentives.”
Gayunman, sinabi ni Sotto sa kailangan niya munang makita ang pakinabang ng TRAIN 2 sa ordinaryong mga Pilipino dahil dito nakasalalay kung papasa ito o hindi sa senado.
“Kung maganda talaga ang mga laban at tama yung mga suspetsa ko na makikinabang yung mga malilliit maski micro, medium and small enterprises, may pag-asa yan. Pero kung yung mga parte don na hindi pa namin masyadong ika nga’y nakikita, biglang may lilitaw na makakasama ay mahihirapan.”
(From Usapang Senado interview)