Pabor ang ilang senador sa pagpapalawig sa enhanced community quarantine (ECQ) sa mga lugar kung saan patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Senador Bong Go, sang-ayon siya na i-extend ang ECQ sa National Capital Region (NCR) dahil dito ang sentro ng karamihan ng kaso ng COVID-19.
Aniya, mas mahirap habulin kung mas dadami pa ang COVID-19 cases at lalo mas mahihirapan itong tugunan ng mga ospital at mga health worker.
Ayon naman kay Senate President Vicente Sotto III, hanggat hindi nagkakaroon ng mass testing sa isang lugar ay dapat manatili rito ang implementasyon ng ECQ.
Ganito rin ang pananaw ni Senador Manny Pacquiao kung saan iminungkahi ang pagkakaroon muna ng mass testing bago i-lift ang ECQ upang mas masiguro umano ang kaligtasan ng publiko.