Pinapurihan ng mga senador si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakahirang kay permanent representative to the United Nations Ambassador Teodoro “Teddy Boy” Locsin bilang bagong kalihim ng DFA o Department of Foreign Affairs.
Maging si dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario ay bilib din sa kakayahan ni Locsin dahil sa kanyang credentials bilang abogado, mamamahayag, negosyante, pulitiko at diplomat.
Ayon kay Del Rosario, maliban sa mga nabanggit, isa rin aniyang matalino, articulate at independent minded si Locsin kaya’t hindi ito mahihirapan sa kaniyang bagong tungkulin.
Magugunitang nanilbihan bilang Presidential Legal Counsel at speech writer noon ni dating Pangulong Corazon Aquino si Locsin na isa rin sa mga orihinal na karambolista ng programang Karambola ng DWIZ.
Para naman kay Senador Sonny Angara, maituturing na asset ng administrasyon si Locsin bilang bagong miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte.
I would like to congratulate him and congratulate the president for appointing him, si Mr. Locsin ay isang beteranong manunulat, lawmaker at alam natin mahusay magsalita.
Sa panig naman ni Senadora Nancy Binay, good choice ang pagpili kay Locsin bilang bagong kalihim ng DFA lalo’t napatunayan na niya ang galing nito noong kinatawan pa lamang siya ng Makati.
Dati naming Congressman sa Makati ‘yan, so I think hindi naman siya magkakaproblema sa confirmation niya. I think he’s a good choice to replace Alan Peter Cayetano.