Suportado ng ilang senador ang naging banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibabagsak nito ang batas militar sakaling magpatuloy ang New People’s Army (NPA) sa paghahasik ng karahasan nito sa gitna ng pandemya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ipinauubaya na niya sa Pangulo ang pagpapasya lalo’t kung patuloy na sasamantalahin ng npa ang nararanasang dagok ng bansa sa pandemya para maghasik ng gulo at takot sa publiko.
Pinatitiyak naman ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na masusunod pa rin ang itinatadhana ng saligang batas na kailangang may basbas ng kongreso ang pagdideklara ng martial law ng ehekutibo.
Dagdag pa ni Pimentel, kailangang busisisiin muna ng kongreso ang nais ng Pangulo lalo’t maituturing aniya itong “location specific” o tanging sa mga lugar lang na may malakas na presensya ng NPA maaari aniyang pairalin ang batas militar.