Welcome sa ilang senador ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at sa iba pang health officials bunsod ng umano’y mga kapalpakan ng DOH sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Para kay Sen. Bong Go, mahalagang magkaroon ng patas na pagsisiyasat sa usapin at kailangan din aniyang malaman ng taumbayan kung saan napupunta ang pondong nakalaan para sa krisis.
Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na napapanahon ang pagkilos ng Ombudsman at umaasa siyang mapapanagot ang sinumang opisyal sakaling mayroon mang paglabag sa batas ang mga ito.
Samantala, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na suportado niya ang imbestigasyon ng anti-graft body ukol sa anumang iregularidad partikular sa pagbili ng mga personal protective equipment (PPE)’s, gayundin ang posibleng sablay na COVID-19 test package ng PhilHealth.