Nagpahayag ng suporta ang ilang mga Senador sa muling pagpapalawig ng enhanced community quarantine (ECQ) sa ikalawang pagkakataon hanggang Mayo 15.
Ayon kay Senador Koko Pimentel, makatuwiran at kanyang nauunawaan ang pasiya ng pamahalaan na palawigin pa ng 15 araw ang ECQ.
Aniya sa loob ng mga nabanggit na araw, mas makakaroon ng panahon ang pamahalaan na maghanda at magbukas pa ng mga karagdagang COVID-19 facilities, makakuha ng sapat na suplay ng mga kinakailangang protective equipment at gamot.
Gayundin ng karagdagang datos para makita kung epektibo ba ang ECQ o hindi.
Sinabi naman ni Senador Lacson na malayo pa ang bansa sa layuning makamit ang tinatawag na flattening the curve kaya kinakailangan pa rin ang extension para matiyak ang pananatili ng social distancing.
Dagdag ni Lacson, hindi naman aniya maikakaila na malaki pa rin ang naging kontribusyon ng ECQ para mapabagal ang pagkalat ng virus sa bansa.
Samantala, inaasahan na ni Senador Ralph Recto ang panibagong pagpapalawig sa ECQ.
Aniya, sa huli ay unti-unti na rin namang makababalik sa trabaho ang publiko bagama’t kailangan nang asahan ang tinatawag na new normal tulad ng physical distancing at pagsusuot ng mask.
Iginiit naman ni Recto na kasabay ng extended ECQ ang ganap na paghandaan ng pamahalaan para sa mass testing, mga isolation at treatment facility at pagpapaganda sa health care system ng bansa.