Tiwala ang ilang Senador na hindi magagaya ang Senado sa Kamara kung saan tila binabraso ang mga miyembro ng mayorya na sumuporta sa panukalang death penalty.
Ayon kay Senate Pro Tempore Franklin Drilon, hindi mangyayari sa Senado ang nangyayaring pag-pressure sa mga lider ng mga House Committee na mapapalitan umano kung hindi papabor sa pagbuhay muli sa parusang kamatayan.
Samantala, iginiit naman ni Senador Chiz Escudero na kumpyansa siyang hindi gagawin ni Senate President Koko Pimentel ang ginagawang pamumwersa ni House Speaker Panteleon Alvarez sa mga miyembro ng Super Majority sa Kamara.
Kung sakali man, sinabi ni Escudero na hindi siya maaapektuhan dahil miyembro siya ng minorya at wala naman siyang hinahawakang posisyon.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Ralph Recto na, bilang lider ng minorya, hindi siya maaring diktahan ng Senate President o ng Majority Bloc sa Senado.
By: Avee Devierte / Cely Bueno