Umaasa ang ilang senador na sasamantalahin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang muling pagsasailalim ng Metro Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ito’y para makabuo ng komprehensibong plano o mapag-aralan ang mga estratehiya para mapagilan ang lalo pang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, dapat kasama sa pagbabalik ng MECQ ay ang mas agresibong testing at contact tracing, pagpapalakas ng community-based care at kapasidad ng mga ospital, gayundin ang mas lalo pang mabilis na pamamahagi ng mga ayuda para sa mga vulnerable, pagtitiyak sa kaligtasan sa transportasyon at trabaho.
Giit ni Hontiveros, mawawalang saysay ang pagpapatupad ng lockdown kung wala ring nasusulusyunan o natutugunan.
Hinikayat naman ni Senadora Nancy Binay ang IATF na gamitin ang panahon ng MECQ para lalo pang mapaigting ang kanilang information drive.
Para naman kay Senador Sherwin Gatchalian, dapat ay ma-isolate ang lahat ng positive cases, gumamit ng teknolohiya sa contact tracing upang mas maging epektibo at tiyakin na tama ang impormasyon na nilalabas ng mga ahensya.
Umaasa naman si Senador Joel Villanueva na magkakaroon ng dayalogo sa pagitan ng medical community at IATF para sa mas epektibong istratehiya upang matugunan ang pandemya.