Walang nakikitang mali ang ilang senador sa naging pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang hiniling sa korte na payagang makabiyahe sa labas ng bansa si MNLF Chairman Nur Misuari.
Ito ay sa kabila ng mga kasong kinahaharap ng dating gobernador ng ARMM o Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, bahagi ng legal na proseso ang paghingi ng permiso sa korte para makalabas ng bansa ang isang akusado sa kasong kriminal.
Ang mahalaga aniya ay magarantiyahan ni Misuari sa Korte na babalik siya ng bansa para kaharapin ang mga kaso laban sa kanya.
Wala namang nakikitang iregularidad si Senate committee on peace and unification chairman Gringo Honasan sa ginawa ni Pangulong Duterte.
Sinabi ni Honasan, dapat na hayaan lamang ang anumang hakbang ng pangulo na saklaw ng presidential prerogative at discretion basta’t makatutulong ito para matamo ang pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran ng bansa.