Naging viral sa social media ang pag-anunsyo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ng paggamit ng ‘kamay na bakal’ laban sa mga nanabotahe ng ekonomiya. Matatandaang tila nang-aasar pa nga ang ilang smugglers at hoarders na ituloy lang ang ilegal na gawain nila. Pero ngayon, napatunayang hindi lang puro panakot ang Pangulo dahil may na-sampolan na.
Inanunsyo ni Pangulong Marcos Jr. noong October 4, 2023 na apat na rice traders na ang nahaharap sa patong-patong na kaso dahil sa umanong smuggling at hoarding ng bigas. Ang nasabing rice traders na ito ay ang San Pedro Warehousel, Blue Sakura Agri Grain Corporation, FS Ostia Rice Mill, at Gold Rice Mill.
Nabanggit ito ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang speech, kasabay ng pamimigay niya ng libreng bigas sa Taguig City para sa mga mahihirap na pamilya. Ang ipinamigay na sako-sakong bigas ay mula sa higit 42,000 kilos na nasabat na smuggled rice noong nakaraang buwan.
Matatandaang suportado ng grupong Bantay Bigas ang naging aksyon ni Pangulong Marcos Jr. na ipamigay ang mga nakumpisang smuggled rice sa mga nangangailangan. Ang pamimigay ng smuggled products ay best deterrent o pang-discourage sa smugglers at hoarders ayon kay Bulacan 6th District Representative Salvador Pleyto.
Nahaharap ang nahuling rice traders sa mga kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, Rice Tariffication Law, at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Malaking banta sa kabuhayan ng mga magsasaka ang smuggling at hoarding ng agricultural products dahil isa ito sa mga rason kung bakit patuloy na namumuhay nang mahirap ang mga Pilipinong magsasaka. Isa rin ito sa dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., hindi niya papayagan na patuloy na mamayagpag ang mga mapagsamantalang pumipinsala sa kabuhayan at sa buong sektor ng agrikultura.
Sa ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Marcos Jr. noong July 24, 2023, matatandaang sinabi niyang, “Bilang na ang mga araw ng mga smuggler at hoarder na ‘yan.” At makikitang tinutupad na ng Pangulo ito.