Pinaiinspeksyon na ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar kay Undersecretary Emil Sadain ng DPWH Task Force to Facilitation Augmentation of Local and National Health Facilities ang ilang sports center na uubrang pagdalhan sa COVID-19 patients.
Kabilang dito ang PICC forum halls, World Trade Center sa Pasay City at Rizal Memorial Coliseum sa lungsod ng Maynila.
Inatasan din ni Villar si Sadain na makipagpulong sa mga opisyal ng DOH, UP-PGH, technical members ng DPWH Task Force, management officials ng PICC, World Trade Center, PSC at mga kinatawan ng EEI Corporation, Ayala Development Corporation, Makati Development Corporation at Razon Group of Company para sa nasabing plano.
Dahil puno na halos ng mga pasyente ang health facilities sa Metro Manila, inihayag ni Villar na kailangang madaliin ang pagconvert sa PICC Forum Halls bilang health facility at magsilbing isolation space sa monitoring ng mga taong infected ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Samantala, ang World Trade Center at Rizal Memorial Coliseum ay dalawa sa mga tinukoy na uubrang iconvert bilang health facilities, katuwang ang private companies.
Ang lahat aniya ng construction worker na magtatrabaho sa tatlong pasilidad ay bibigyan ng accreditation ng DPWH.