Pormal nang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang mga kasong kriminal laban sa ilang suspek na pinaniniwalaang dapat managot sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Kabilang sa mga kasong ito ay may kaugnayan sa illegal drugs, obstruction of justice, perjury at reckless imprudence resulting in homicide at falsification of official documents by public officer.
Kabilang sa mga pinasasailalim sa preliminary investigation ng DOJ ay sina Pol. Major Michael Nick Sarmiento – Mediko Legal Office ng Southern Police District Laboratory dahil sa kasong falsification of public document.
Kasama rin sina Mark Rosales, John Dela Serna, Darwin Joseph Macalla, Gregorio De Guzman, Jezreel Rapinan, Alain Chen, Reymay Englis, Atty. Neptali Maruto, Louie De Lima, Rommel Galit .
Inirekomenda rin panagutin sa kasong obstruction of justice sina Rosales Galido , Dela Serna, Rapinan, Chen, Englis at Macalla na umukupa sa iniimbestigahang hotel room kung saan natagpuang patay si Dacera.
Dawit din sa obstruction of justice ang kanilang legal counsel na si Atty. Neptali Maruto habang si Rosales naman ay pinalilitis dahil sa kaso ng iligal na droga.
Nabatid kasi sa imbestigasyon ng NBI na tinangka ni Rosales at Galido na mamigay ng bawal na droga samantalang nakakalap naman ng ebidensya para panagutin sa kasong reckless imprudence resulting in homicide sila Dela Serna, Rapinan, Chen at De Lima.