Dinampot ng PSG o Presidential Security Group ang ilang miyembro ng media habang kumukuha ng litrato at video footage sa Gate 2 ng Malacañang.
Kino-cover ng ating kasamahan na si DWIZ reporter Aya Yupangco, kasama ang dalawa pang radio reporter ang pagdating ng grupong Karapatan at Selda para magbigay ng sulat kay Pangulong Rodrigo Duterte, subalit hinarang at binitbit sila ng PSG.
Kwento ni Dennis Datu ng DZMM, pilit na kinukumpiska ng PSG ang kanyang ID at cellphone, at sinabihan siya na burahin ang kuha niyang video footage.
Aniya, kinuha ng PSG ang kanyang ID at sa bandang huli ay kanya rin itong nabawi.
Ganito rin ang nangyari kay Michael Guyagoy ng DZXL kung saan pilit na kinukuha ang kanyang cellphone, pero hindi niya ito ibinigay.
Wala namang nagawa ang mga radio reporter matapos ang pangha-harass sa kanila ng mga miyembro ng PSG.
Iginigiit naman ng PSG na bawal ang media at bawal ang kumuha ng litrato at video footage sa bisinidad ng Malacañang.
By Meann Tanbio | Report from: Aya Yupangco (Patrol 5)