Sarado ang ilang tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa mga probinsiya ngayong Semana Santa.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ito ay upang magbigay daan sa kanilang isasagawang disinfection sa ilang mga nabanggit nilang field offices sa gitna na rin ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Gayunman sinabi ni Morente na mananatili namang bukas ang opisina ng BI na malapit sa mga international airports at ang kanilang punong tanggapan sa Intramuros para matiyak na hindi maaapektuhan ang kanilang operasyon.
Tuloy-tuloy din aniya ang pakikipag-ugnayan nila sa mga embahada ng iba’t-ibang mga bansa para sa maayos na pag-alis ng kani-kanilang mga mamamayan palabas ng Pilipinas.
Dagdag ni Morente, maaari ring makipag-ugnayan sa kanilang national operations center at mga social media accounts ang mga dayuhang may katanungan.
Magbabalik naman sa regular ang operasyon ng BI sa April 13, Lunes.