Sinibak ang hepe at 14 na tauhan ng PNP Firearms and Explosives Office dahil sa mga alegasyon ng katiwalian sa pag-iisyu ng lisensya ng baril.
Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, pansamantala muna niyang tinanggal sa puwesto si Chief Supt. Elmo Francis Sarona at mga tauhan nito upang bigyang daan ang imbestigasyon sa mga alegasyon laban sa kanila.
Sinabi ni Marquez na sakaling mapatunayang inosente ang mga sangkot ay ibabalik nya ang mga ito sa puwesto subalit, kung mapapatunayang may kinalaman sila sa anomalya ay kakasuhan sila ng administratibo at kriminal.
Ang alegasyon ng katiwalian sa pag-iisyu ng lisensya ng baril ay nag-ugat sa kaso ni dating Pulupandan Mayor Magdaleno Peña na nameke di umano ng neuropsychiatric exam para makakuha ng license to own and possess firearms o LTOPF.
Maliban kay Peña ay may ilan pa di umanong naisyuhan ng LTOPF kahit kulang sa mga pangunahing requirements tulad ng neuropsychiatric exam at iba pang supporting documents.
Maliban sa mga taga-FEO, pina-iimbestigahan rin ni Marquez sa PNP CIDG at Anti Cyber Crime Group ang mga nabigyan ng LTOPF kahit kulang sa requirements.
By Len Aguirre | Jonathan Andal