Umapela ang ilang grupo ng transportasyon na suspendihin ng tatlo hanggang apat na buwan ang Excise Tax ng langis.
Ito ay sa kabila ng muling taas-singil sa presyo ng produktong petrolyo na papalo sa mahigit anim na piso kada litro.
Ayon kay Ricardo Rebaño, Presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), ang suspensiyon ng fuel excise tax ay magandang alternatibo sa halip na humingi sila ng panibagong taas-pasahe na magiging pasanin lang ng mga pasahero.
Samantala, sa naging pahayag naman ni Mody Floranda Presidente ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), bukod sa pagsuspinde sa Fuel Excise Tax, dapat ding amiyendahan na ang Oil Deregulation Law at Train Law dahil hindi umano nagiging lingguhan o buwanan ang pag-angkat ng produktong petrolyo sa international market.
Sa kabila nito, umaasa ang naturang mga grupo na ma-a-aprubahan ang kanilang hiling sa gitna ng tumataas na singil sa produktong petrolyo.