Ikinakasa na ng mga transport group ang isang malawakang transport strike.
Ito’y bilang protesta sa sunod-sunod na inilargang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Steve Ranjo, Secretary General ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), mas malaking kilos-protesta ang kanilang ikakasa laban sa gobyerno at mga kumpanya ng langis kapag hindi kumilos ang mga ito para mapababa ang presyo ng langis.
Hindi na aniya makasabay ang mga drayber ng jeep at mga operators sa presyo ng diesel na ngayo’y sumampa na sa 44 hanggang 45 piso kada litro.
Iginiit din ni Ranjo na suspendihin na lamang ng gobyerno ang pagpapataw ng excise tax sa petrolyo na tatapyas ng dalawang piso at limampung sentimos (P2.50) sa kada litro nito, kaysa umaray ang mga commuters sakaling itaas na naman ang pamasahe sa jeep.
Sa ngayon ay wala pang sinabing petsa si Ranjo para sa nakaambang malawakang transport strike.
—-