Sa kabila ng unang araw na pagpapatupad ng P0.50 na rollback sa pasahe jeep, ilang tsuper pa rin ang nagmamatigas na magbaba ng singil.
Katwiran ng mga tsuper, wala pa umano silang fare matrix mula sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB). Pero nilinaw ng LTFRB na hindi dapat ikatwiran ang kawalan ng fare matrix o tarima dahil sa hindi naman aniya ito kailangan.
Provisional o pansamantala lamang ang tapyas na singkwenta sentimos sa pasahe sa jeep kaya’t hindi anila ito kailangan ng tarima.
Hinikayat naman ng LTFRB ang mga pasahero na isumbong sa kanila ang mga tsuper na tumatangging magbaba ng singil sa pasahe sa jeep.
Commuters
Ikinatuwa ng mga commuter ang ipinatupad na tapyas pasahe ngayong araw sa National Capital Region (NCR), Central Luzon, CALABARZON at MIMAROPA.
Ayon sa ilang pasahero, malaking tulong ang tapyas na P0.50 sa minimum fare lalo na aniya sa kanilang nagtatrabaho at makailang beses na sumasakay ng jeep.
Malaking tipid naman sa ilang commuter ang naturang rollback sa pasahe na pandagdag na rin anita na pambaon sa kanilang mga anak.
Pero, kung masaya ang mga commuter sa ipinatupad na tapyas pasahero, ilang tsuper naman ang nagrereklamo.
Katwiran ng mga tsuper, ang tapyas sa pasahe ay nangangahulugan aniya ng mas bababang kita.
Maliban dito, nananatili rin anilang mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at nangangamba ang mga tsuper sa pagsirit naman ng presyo ng langis.
By Ralph Obina