Hindi epektibo ang ilang ultraviolet o UV lamps laban sa COVID-19.
Ito ang inihayag ni Department of Health undersecretary Maria Rosario Vergeire at sinabing mayroong mga klase ng UV lamp na ginagamit talaga sa hospital settings at mga klinika.
Aniya, ang mga UV lamp na nabibili sa online stores kabilang na ang handheld UV lamps, ay hindi nakapagbibigay ng proteksyon laban sa virus.
Noong nakaraang taon ay sinabi na rin ng DOH na hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng UV lamps dahil walang sapat na ebidensya na epektibo ito laban sa mga bacteria at virus.
Sinabi na rin aniya ng World Health Organization (WHO) na ang UV lamps ay maaaring magdulot ng pinsala sa paningin, iritasyon sa balat, burns at makadagdag sa panganib ng pagkakaroon ng skin cancer.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico