Ilang mga VCM o Vote Counting Machine ang napaulat na nagka-aberya sa pagbubukas ng botohan ngayong araw.
Sa isang polling presinct sa Jose R. Torres Elementary School sa Barangay Singcang-Airport Bacolod City, halos 20 minutong naantala ang botohan nang magka- problema sa voter registration verification system.
Sinundan pa ito ng problema sa mismong vote counting machine kung saan hindi nito mabasa ang mga balota.
Dahil dito, nagpasiya na lamang ang electoral board na pabotohin ang mga botante at inilagay sa receptacle ng VCM ang mga balota habang naghihintay ng kapalit na makina.
Nakaranas din ng pagpalya ng VCM ang Precint 460-b ng Manuel L. Quezon Elementary School kung saan nasa pitong balota ang hindi nabasa.
Samantala, ilang balota rin ang ni-reject o hindi kinakain ng mga vote counting machine sa San Mateo National Highschool.
May mga naapulat ding aberya sa mga VCMs sa ilang mga presinto sa San Narciso, Quezon, Vicente Lim Elementary School sa Tondo, Manila, isang presinto sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao, Buhangin Central Elementary School sa Davao City at Sto. Tomas Elementary school sa Davao Del Norte.
Proseso ng isang polling precinct sa isang paaralan sa Guadalupe, balik-normal na matapos magkaaberya
Naibalik na sa normal ang proseso ng botohan sa polling precinct 0926A sa San Jose Elementary School sa Guadalupe, Makati City kung saan nakalista ang reelectionist na si Mayor Abby Binay.
Dakong ala-7:20 nang napaulat ang pagpalya ng Vote Counting Machine (VCM) sa nasabing presinto at kinailangang i-shut down dahil sa naranasang technical problem.
Nakabalik naman sa normal ang botohan nang maideliver na ang kapalit na VCM at maayos nang nabasa ang mga isinubong balota rito, pasado alas-10:25 kanina.
Dakong alas-10:36 naman ng dumating sa polling precinct si Abby Binay kasama ang kanyang asawang si Cong. Luis Campos.
4 na VCM sa Arroyo Highschool sa Maynila, pumalya
Apat (4) na vote counting machines (VCM) sa Arroyo Highschool sa Maynila ang napaulat na pumalya.
Ayon sa Chairman ng Board of Election Inspector, nagkaroon ng problema matapos bumagal sa pagbasa ng balota ang mga nasabing makina.
Samantala, manual na rin ang ginagawa nilang paghahanap ng mga pangalan ng mga botante sa Arroyo Highschool dahil din sa pumalyang voter registration verification machine.
Batay sa talaan ng COMELEC, aabot sa 10,000 mga botante ang nakatalagang bumoto sa Arroyo Highschool sa Maynila.