Lumutang ang ilang video ng pagmamaltrato ng mga upperclassmen sa mga plebo o 4th class cadets sa loob mismo ng Philippine Military Academy (PMA).
Makikita sa video ang pagsipa, paninikmura at panghahampas pa ng helmet na bahagi ng sinasabing pangangatay o salitang PMA na nangangahulugan ng pag-hazing sa mga plebo ng mga upperclassmen.
Kinumpirma naman ng pamunuan ng PMA na kuha ang nasabing video sa loob ng akademiya.
Ayon kay PMA Public Information Office Chief Captain Cherryl Tindog, 5 sa 6 na mga upperclassmen na sangkot sa pangmamaltrato sa mga plebo sa nabanggit na video ang hiniwalay na sa kanilang holding area.
Habang ang isa naman ay matagal nang natanggal sa PMA dahil sa ibang paglabag at ang mga plebo na minamaltrato ay nasa ikatlong taon na sa PMA.
Tiniyak ni Tindog na bagama’t 2017 pa nangyari ang insidente at hiwalay sa kaso ng pambubugbog at pagkamatay ni cadet 4th Class Darwin Dormitorio, kanila itong iimbestigahan.