Kontaminado na ang karamihan sa mga pinagkukuhanan ng tubig ng mga apektadong bayan sa Albay dahil sa pag – aalburuto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Dr. Antonio Ludovice ng Albay Provincial Health Office, nagpositibo sa kontaminasyon ang tatlongpu (30) mula sa apatnapo’t isang (41) water resources na kanilang sinuri mula sa limang (5) bayan at tatlong (3) lungsod sa Albay.
Habang nag-negatibo naman ang labing siyam (19) na water refilling stations na nagsusuplay ng tubig sa mga evacuation center.
Naitala naman ng health office ang ilang kaso ng pananakit ng tiyan at pagdudumi ng mga residente na pinaniniwalaang may kaugnayan sa ginagamit na tubig ng mga ito.
Dahil dito, umapela si Dr. Ludovice sa evacuees na uminom lamang ng tubig na mula sa mga aprubadong water resources upang maiwasan ang pagkakasakit.