Nakumpiska ng mga otoridad sa loob ng isang simbahan ang iligal na pagbebenta ng mga krudong nakasilid sa mga drum at iba pang container sa bayan ng Kitaotao, Bukidnon.
Ayon sa mga tauhan ng Philippine National Police-Regional Special Operations Unit (PNP-RSOU), agad silang nagsagawa ng buy-bust operation sa nabanggit na lugar matapos makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen.
Sinabi ni Pol. Brig.-Gen. Benjamin Acorda, Regional Director PRO 10 na ang narekober na diesel ay iligal na ibinebenta sa isang pamamaraan na tinatawag na “paihi” kung saan, aabot sa P150-K ang halaga ng nakumpiskang langis sa loob ng mga container.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, kabilang sa mga bumili ng diesel ay ang mga cargo at heavy construction truck, na nagbabayad ng P1, 000 para sa 20 litro ng krudo.
Samantala, aabot din sa mahigit P400-K halaga ng langis ang nasabat naman sa iligan kung saan, tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek na naresto ng mga otoridad.
Paglabag sa PD No. 1865 o mas kilala bilang iligal na pagbebenta ng mga produktong petrolyo ang mga akusado na makukulong ng aabot sa dalawa hanggang limang taon at may multang aabot sa P20,000 hanggang P50,000. —sa panulat ni Angelica Doctolero