Muling isinailalim sa mas mahigpit na lockdown o modified enhanced community quarnatine ang Iligan City ngayong buong buwan ng Setyembre.
Ayon sa Inter-Agency Task Force, ibinalik sa MECQ ang Iligan City dahil sa mabilis na pagtaas ng naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa siyudad sa bawat araw.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), nasa 268 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Iligan City.
Isang daan at apatnapu’t siyam (149) sa mga nabanggit na bilang ang active case na siya namang pinakamataas sa Northern Mindanao.
Sa ilalim ng MECQ, suspendido ang pampublikong transportasyon habang bawal ang mga malakihang pagtitipon-tipon.
Sa naging anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte, tanging ang Iligan City lamang nasa MECQ habang nananatili sa general community quarantine ang Metro Manila gayundin ang Bulacan, Batangas, Bacolod City at Tacloban City.