Ibinasura ng Sandiganbayan ang panibagong kaso ng ill-gotten wealth laban kina dating Pangulong Ferdinand Marcos at asawang si dating Congresswoman Imelda Marcos.
Ito ay matapos ibasura ng Sandiganbayan ang Civil Case Number 0007 na may kaugnay sa pagbawi ng tinatayang P267-million nakaw na yaman ng mga Marcoses sa pamamagitan ng kanilang ‘cronies’ na magasawang Fe at Ignacio Gimenez.
Sa desisyon ng Sandiganbayan 4th Division na may petsang October 14, 2019, kanilang pinaboran ang inihaing demurrer to evidence ng mag-asawang Gimenez dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Anila, nabigo ang prosekusyon na binubuo ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) at Office of the Solicitor General (OSG) na magsumite ng orihinal na kopya ng mga documentary evidence at tanging mga photocopy lamang.
Magugunitang noong Agosto, ibinasura na rin ng Sandiganbayan ang nasa P102-billion na forfeiture case laban sa mag-asawang Marcos at 11 pa nilang mga ‘cronies’.