Ibinasura na ng Sandiganbayan ang 34 na taong kaso ng Presidential Commission on Good Government laban kina dating Pangulong Ferdinand Marcos, dating First Lady Imelda Marcos, yumaong negosyanteng si Ricardo Silverio Jr. at Pablo Carlos.
Sa June 30 decision ng Sandiganbayan 4thdivision, inihayag nitong nabigo ang PCGG na patunayan ang mga alegasyon sa pamamagitan ng ebidensya laban kina Marcos, Silverio at Carlos.
Isinampa ang naturang kaso noong July 22, 1987 para sa reconveyance, reversion, accounting, restitution at damages kaugnay sa umano’y nakaw na yaman ng mga Marcos at ng mga nabanggit na negosyante.
Una nang inakusahan ng PCGG sina Silverio at Carlos na nagbigay ng kwestyunableng kabayaran sa halagang daan-daang libong US dollars kapalit ng pag-award sa kanila ng kontrata sa pag-su-supply ng Kawasaki Scrap Loaders at Toyota Rear Dump Trucks.
Sa loob ng 3 taon, tumanggap umano ang dalawa ng special accommodations, privileges at exemptions sa Central Bank sa pamamagitan ng pagtaas sa kanilang dollar import quota allocation, para sa importation ng Toyota Vehicles ng delta motors at air-conditioning at refrigerating equipment.
Kabilang naman sa mga hinahabol ng PCGG ang mga ari-arian sa California, Apartment sa Ecology Village, Makati City at shares of stocks sa ilang korporasyon. —sa panulat ni Drew Nacino