Muling nakasabat ng mga iligal na droga ang mga tauhan ng Bureau of Jail Mangement and Penology (BJMP) sa Quezon City Jail Male Dormitory sa panibagong greyhound operation na inilarga, kahapon.
Ito’y kahit na isinailalim sa demolition work ang storage area kung saan nakita ang mas malaking imbakan ng iligal na droga ay nakakapuslit pa rin ang mga kontrabando, partikular na ang shabu at marijuana.
Ayon sa BJMP, gumamit na sila ng metal detector, jackhammer at sledge hammers sa paghahanap sa iligal na droga sa ilalim ng concrete pavement na pinag-imbakan nito.
17 pakete ng shabu at isang maliit na pakete ng marijuana ang narekober sa ilalim ng semento habang sampu pang sachet ang natuklasang nakatago sa ilalim ng kahoy na hagdanan patungo sa mezzanine.
Sa kabuuan, aabot na 53 grams ng shabu na nagkakahalaga ng 360,000 at 3.6 grams ng marijuana ang narekober mula sa male dormitory, bukod pa ito sa ilang improvised weapons.
Mayo a-13 nang sumiklab ang riot sa nasabing piitan na nagresulta sa pagkakadiskubre sa mga kontrabando sa male dormitory.