Namamayagpag umano ang mga iligal na online sabong o e-sabong.
Dahil dito, muling nilinaw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na dalawang kompanya pa lang ang pinapayagan nila na magpalabas ng sabong sa internet.
Ayon kay PAGCOR chairman Andrea Domingo, tanging ang Lucky 8 Starquest ni Atong Ang at Belvedere Corp. naman ni Bong Pineda pa lang ang may lisensya para magpalabas ng sabong online.
Aniya, limang kompanya ang nag-apply ng lisensya pero ang mga nasabing gaming firm pa lamang ang nakapagbayad ng performance bond na nagkakahalaga ng P75 milyon bawat isa.
Isiniwalat ni Domingo na ang mga kompanyang, “Encuentro”, “Magnus”, at “Oriental Capital Venture” ay wala pang nababayarang kaukulang fees at taxes kaya’t bawal itong magpalabas ng sabong sa kanilang websites tulad ng kingsportslive.com at sabonginternational.com.
Samantala, nagpasya ang Lucky 8 Starquest ng Pitmaster Live na bawiin ang authorization para sa kompanyang Diversified Financial Network Inc. (DFNN) na pag-aari ng isang Raymond Garcia na sinasabing kumukuha o tumatanggap ng mga taya sa sabong online.