Umani ng batikos ang panibagong pahayag ni US President Donald Trump hinggil sa mga migrants na magtatangkang pumasok sa Estados Unidos.
Sa serye ng kanyang mga tweet, sinabi ni Trump na dapat agad na ipatapon pabalik ng kanilang pinanggalingang bansa ang sinumang madadakip na iligal na papasok sa Estados Unidos.
Hindi na aniya dapat pang idaan ito sa hukom o anumang korte dahil maituturing aniya ang mga ito na “invaders” o mananalakay.
Iginiit pa ni Trump na hindi maaaring tanggapin ng Amerika ang lahat ng tao na nagtatangkang pumasok sa kanilang bansa.
Samantala, binigyang diin naman ng Deputy Director ng American Civil Liberties Union Immigrants Rights Project na hindi maaaring ibalewala ang due process para lamang mapaalis ang mga immigrant sa Estados Unidos.
—-